Ang Dalawang Ilaw ng Alitaptap.Limitless.

Sa isang malayong gubat, nakatira ang isang barangay ng masasayang Alitaptap, ang Barangay Alitapan. Dito matatagpuan ang dalawang magkaibigang batang alitaptap, si Alip at si Tapi. Si Alip ay napakamasayahing batang alitaptap, napakamaliksi at mahilig tumawa samantalang si Tapi naman ay kabaligtaran, napakatahimik nya at mahiyain. Ngunit mabuting magkaibigan ang dalawa at magkaramay sa hirap at ginhawa. Lagi silang magkasama at hindi pinababayaan ang isa’t isa. Isang araw, nalalapit na ang takdang paglaki ng mga batang alitaptap at mayroong isang anunsyong ipinahayag sa bulwagan ng Alitapan.

“Mga magulang, nalalapit na ang takdang paglaki ng mga batang alitaptap at sa pagtatapos ng kanilang kabataan, ating ipagdiriwang ang taunang paggawad sa pinakaespesyal sa kanila ng Sinturong May Lilang Ilaw. Kailangan lahat ng batang Alitaptap ay magtipon pagsapit ng alas-dose ng madaling araw dito sa bulwagan. At ang batang may pinakamaliwanag na ilaw ang siyang gagawaran ng sinturong minana pa sa ating mga ninuno. Wag ninyong hahayaang palampasin ng inyong anak ang pagdiriwang na ito.”, anunsyo ng matandang alitaptap.

Kaagad natuwa si Alip sa narinig at kaagad na pinuntahan si Tapi.  Ngunit sa kaniyang daan patungo doon  ay nakarinig siya ng mga bulungbulungan ng mga matatanda,

“Mukhang si Tapi na ang gagawaran, sa lahat ng bata siya lang ang may pinakamaliwanag na ilaw.”, sabi ng isa.

“Napakaespesyal ng sinturong iyon, at sa lahat ng alitaptap, pula, dilaw or berde lamang ang ating mga ilaw at ang sinturon na iyon ang makapagbibigay ng dalawng ilaw sa isa sa kanila, pakiramdam ko karapat-dapat nga naman si Tapi para doon.”, sabi pa ng isa.

“Mabait na bata si Tapi ngunit napakamahiyain, tingin ko ang sinturon na iyon ang makakapagpalakas ng kaniyang loob.”, sabi din ng isa pa.

Kaagad nakaramdam ng kaba at ng inggit si Alip at pagdating nya sa bahay nila Tapi ay kaagad itong binalita ni Alip ngunit iniba nya ang mga detalye,

“Talaga? Sa may ilog gaganapin ang pagdiriwang? Hindi ba’t delikado doon at madilim? Baka hindi na lang ako sumama, nakakatakot.”, takot na binanggit ni Tapi.

“Hayaan mo, andun ako ng alas-dose at hindi kita pababayaan. Huwag  na huwag kang mawawala doon. Gusto kong makita mo na makuha ko ang sinturon.”, pagmamalaki ni Alip.

“Alam ko naman na ikaw ang bibigyan noon. Masaya ako ngayon pa lang para sa’yo.”, masayang pagbahagi ni Tapi.

At ng maghapon na iyon ay naglaro lamang si Alip at si Tapi.

Kinagabihan, huli ng nagising si Tapi at madali silang pumunta ng kaniyang ina sa may ilog, sa pinakadulong bahagi ng kanilang barangay. Pagdating doon ay takot na takot si Tapi. Nang dahil sa kaniyang takot, ay unti-unting lumiliwanag ang kaniyang ilaw na ikinagulat ng kaniyang ina. Samantalang sa plasa naman, kumpleto na ang mga batang alitaptap at isa-isa silang nagpakitanggilas ng kanilang ilaw. Ngunit hindi nakuntento ang matandang alitaptap na maggagawad ng sinturon. Nang makita nito ang pambihirang ilaw ni  Alip, ay desidido na itong ibigay sa kaniya, ngunit, biglang may bumulusok na malakas na ilaw sa dulo ng kanilang barangay, ilaw na nakapagpaliwanag sa kanilang buong lugar. Kinagulat ito ng lahat at pinuntahan. At nang makita na si Tapi ang pinanggalingan ng liwanag, kaagad na ibinigay ng matandang alitaptap ang sinturon kay Tapi. Kaagad naman humingi ng tawad si Alip sa kaniyang nagawa kay Tapi at sa Ina nito.

“Patawarin niyo ako, sa kasakiman kong makuha ang sinturon ay nagawa ko kayong maloko, ngunit sa huli napatunayan ko na kahit na anong pagtakip ko sa katotohanan, lalabas at lalabas din ito. Patawad. Nang dahil sa inggit nakagawa ako ng hindi dapat.”, malungkot na sabi ni Alip.

“Alip, wala ka namang nagawang masama. Naiintindihan kita. Nagpapasalamat ako kasi nang dahil dito naglabas ako ng liwanag na nagmulat sa mga mata ko at nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Salamat, kaibigan kita at hindi ko hahayaang masira iyon nang dahil lang sa sinturon na ito. Tagumpay natin ito at mananatiling simbulo ito ng pagkakaibigan natin.”, masayang bigkas ni Tapi.

“Salamat Tapi, isa kang tunay na kaibigan.”, at tuluyang naiyak si Alip, at sabi niya,” Suotin mo na ang sinturon, gusto kong makita kung paano lilipad ang aking kaibigan.”

“Magkasama tayong lilipad, magkasama tayong magtatagumpay. Magkaibigan tayo at hindi kita iiwan mag-isa.”, masayang sabi ni Tapi sabay abot niya sa kamay ni Alip.

Nagsimula ng magkaroon ng mga pakpak ang mga malalaking alitaptap, na noo’y mga bata pa. Napakagandang liwanag ang bumalot sa kalangitan noon dahil sa mga malalaking alitaptap na tuwang-tuwang lumilipad at ipinagyayabang ang kanilang nakasisilaw na liwanag. At si Tapi’y lumipad na, pinamumunuan ang mga malalaking alitaptap, na may dalang dalawang ilaw, Berde at Lila, na siyaang naging simbolo ng pagkakaisa at pagkakaibigan. At dahil dito, 3 batang alitaptap na magkakaibigang nanonood sa di kalayuan ang nag-asam din na makuha ang Sinturong May Lilang Ilaw sa susunod na taon. Malay natin, isang beses ay makakita tayo ng alitaptap na may dalawang ilaw at marahil isa na ito sa tatlong magkakaibigang ito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s